Huwebes, Setyembre 13, 2012

Hindi Maralita ang Sanhi ng Baha, kundi Climate Change!


HINDI MARALITA ANG SANHI NG BAHA,
KUNDI CLIMATE CHANGE!

Nakababahala ang anunsyo ng pamahalaang Aquino na idemolis ang mga kabahayan ng maralitang nakatira sa danger zone matapos ang Habagat. (Philippine Star news - 195,000 families in danger zones face relocation, August 14, 2012). Nakababahala dahil maralita na naman ang sinisisi sa mga naganap na pagbaha, at hindi ang mga nagtatayugang gusali, hindi ang mga malls at iba pang istrukturang nagpaliit ng daluyan ng tubig, kundi lagi na lang sinisisi ay maralita. Maralita ang sinisisi. Maralita ang laging may kasalanan. Ayon pa sa balita, pag hindi sumunod, pupwersahin silang paalisin, kundi'y pasasabugin ang kanilang mga bahay upang di na sila makabalik.

Sa pananalasa ng mga kalamidad gaya ng mga nagdaan at paparating pang mga bagyo, nakakita ang gobyerno ng kumbinyenteng palusot upang walisin lahat ng mga itinuturong dahilan ng pagbabara ng mga lagusan ng tubig na nagdulot ng mga matitinding pagbaha. Dahil dito'y idineklara ng pamahalaang Aquino na pwersahang pagdemolis sa 195,000 pamilya sa Metro Manila na tatangging umalis sa mga danger zones, tulad ng tulay, estero, tabing ilog, at tabing dagat na daluyan ng tubig. Ipapatupad din ang three (3) meters easement sa mga tabing ilog at creek na madaragdag pa sa bilang ng mga mawawalan ng tahanan.

Saan itataboy ang maralita? Mula sa danger zone patungo sa death zone? Pinatunayan na ng mga karanasan na hindi tamang ilagay sa death zone ang mga maralita dahil wala doong kabuhayan kundi gutom. 

Ang problema sa patuloy na pananalasa ng baha ay simplistikong tinitingnan ng gobyerno na dulot ng mga pasaway na mga maralitang naglulungga sa mga daluyan ng tubig. Tayo ang nakababara kaya dapat na tayo ang tanggalin. Ang nakikita ng gobyerno ay mga madudungis at mga baboy na mga iskwater na kung saan-saan nagtatapon ng kanilang mga basura habang pikit-mata ito sa mga naglalakihang gusaling nakahambalang mismo sa mga daanan ng tubig. Mga salaulang pabrika na nagtatapon ng mga mapaminsalang basura, walang-habas na pagmimina, pagkakalbo ng kagubatan at iba pang mga kababuyan ng mga kapitalista sa paghahangad ng malaking tubo na lalo pang nagpapabilis sa pag-init ng daigdig o global warming. 

Ang problema sa gobyerno, tayo lang ang kayang-kayang pagbuntunan ng lahat ng sisi sa mga pagbaha at hindi makita ang mga baradong programang pang-ekonomiya na hindi lumulutas sa patuloy na paglobo ng mga mahihirap na mamamayan na napipilitang manirahan sa kahit sa pinakamapanganib na lugar. Kung susuriin, marami sa mga naninirahan sa mga danger zones ay mga maralitang galing na sa kung saan-saang relocation sites sa bansa. Marami ang nagsibalikang relocatees dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa mga pinagdalhan sa kanilang relocation areas. May mga napaalis din bunga ng bantang demolisyon at cancellation of rights dahil sa kawalan ng pera para sa mga bayarin sa mga relocation areas. 

Ang dapat makita at dapat aminin ng gobyerno ay ang palpak na ipinatutupad na polisiyang pang-ekonomiyang neo-liberal na patuloy na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan habang binabale-wala ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Ang dapat makita ng gobyerno ay ang nakatakdang paglobo pa ng bilang ng mga maralitang lungsod na titira sa kahit sa pinakamapanganib na lugar dahil sa kakulangan at kawalan ng hanapbuhay dahil ang programang pang-ekonomiya ay inilaan hindi sa mahihirap na mamamayan kungdi sa mga dayuhan at bilyonaryong iilan. 

CLIMATE CHANGE ANG DAHILAN

Maralita ba ang dahilan nang maganap ang Ondoy noong 2009? Ang isang buwang ulan ay naganap lamang sa loob ng anim na oras na nagpalubog sa maraming lugar. Maralita ba ang dahilan niyan?

Naganap ang Pedring, Quiel, Sendong, Gener, at nitong huli'y ang Habagat na nagpalubog muli sa maraming lugar, maralita ba ang dahilan niyan? Ngitngit ng kalikasan! Ang Mindanao na hindi dating binabaha ay dinelubyo ng Sendong. Marami ang nasawi. Maralita ba ang dahilan niyan?

Ayaw aminin ng gobyerno na nagbabago na ang klima, na climate change ang dahilan ng ganitong mga kalamidad. Kahit ang tila walang pag-asang PAGASA'y di man lamang masabing climate change ang dahilan ng mga pagbaha. Bakit?

Hindi sapat na sisihing ang mga maralita kasi ay nakakabara sa mga daluyan ng tubig, dahil sino ba namang nais tumira sa daluyan ng tubig kung may sapat silang kabuhayan para magkaroon ng tahanan, o makaupa ng matitirahan? Dapat nating suriin ang ugat ng pagbabagong ito ng klima.

Ang pagbabago ng klima ay dulot ng epekto ng GHG o greenhouse gases sa ating atmospera. Ang greenhouse, sa malalamig na bansa, ay parang maliit na bahay na salamin ang dingding, kung saan dito pinatutubo ang mga halaman. Pinapasok sa mga greenhouse ng mga panel na salamin ang init na mula sa araw, ngunit di nila ito pinalalabas. Ito ang dahilan kung bakit umiinit ang greenhouse, na animo'y pampalit sa araw na nakakatulong sa pagpapalago ng halaman. Ang greenhouse gases naman ang gas na nakokonsentra sa atmospera nang maganap ang Rebolusyong Industriyal (bandang 1800s), at maimbento ang makinang singaw (steam engine). Nagmula ang GHG sa paggamit ng mga fossil fuels (o mga langis galing sa mga bangkay o kalansay ng mga dinasaur, at iba pa, sa nakalipas na ilang milyong taon), tulad ng langis o krudo (na nagpapatakbo ng mga sasakyang bumubuga ng maraming usok), at mga uling o karbon (coal). Ang GHG ang nagpapainit ng mundo. Gayunman, hindi masama ang GHG, basta't sapat lamang at nasa tamang espasyo sa atmospera. 

Gayunman, ang anumang labis ay masama. Kaya ang labis na konsentrasyon ng GHG sa partikular na espasyo sa atmospera ang nagdulot ng pagkabutas ng ozone layer. Nagdudulot  ang konsentrasyong ito ng labis na pag-iinit ng mundo, pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo sa mga malalamig na lugar, tulad sa North Pole at Antartica. Nangyari ito dahil sa labis-labis na paggamit ng gasolina at uling (coal) para magamit sa pabrika, sasakyan, at pagpapaunlad ng kanilang sariling kabuhayan, at mismong ekonomya ng kani-kanilang bansa.

Sa nakalipas na apatnapung taon, naging matingkad at mabilis ang pagbabago sa klima. Dahil na rin sa ipinatakaran ng mga mayayamang bansa hinggil sa neoliberal, o pagsagad ng kapitalistang sistema. Bumilis ang kapitalismo. Sa ngalan ng tubo'y binutas ng binutas ang lupa para sa langis, bumuga ng bumuga ng usok ang mga pabrika upang makagawa ng sobra-sobrang produkto, gumamit ng sobrang langis (carbon footprints) upang magdala ng mga produkto mula sa ibang bansa tungo sa isa pa, kahit meron namang produktong ganoon sa bansang iyon.

SINONG DAPAT SISIHIN?

May dapat managot. Ngunit hindi ang mga maralitang isang kahig, isang tuka, na hindi kayang bumuga ng usok ng pabrika at coal plant, maliban sa kanilang paisa-isang sigarilyo. Kaya sino ang may pananagutan sa mga nagaganap na ito? Dahil sa labis na akumulasyon sa tubo para manaig sa kumpetisyon, isinakripisyo  ng mga mayayamang bansa ang kalikasan. Umunlad at yumaman ang maraming bansa, habang maraming bansa naman ang patuloy na naghihirap. Dahil sa matinding kumpetisyon sa ekonomya ng mga mayayamang bansa, kinalbo ang kabundukan, sinira ang karagatan, at winasak ng pagmimina ng mayayamang bansa ang kalupaan ng mahihirap na bansa nang walang sapat na kabayaran sa mga ito. Ang mga umunlad at mayayamang bansang ito ang siyang nakatala bilang mga  Annex 1 countries sa dokumento ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) na inamyendahan sa Ikatlong Kumperensya ng mga bansa o partido noong Disyembre 1997: Ang mga bansang ito'y ang Australia, Austria, Belarus, Belgium, Bulgaria, Canada, Croatia, Czech Republic, Denmark, the European Community, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Iceland, Ireland, Italy, Japan, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Luxembourg, Monaco, Netherlands, New Zealand, Norway, Poland, Portugal, Romania, Russian Federation, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Turkey, Ukraine, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, at United States of America. Sila ang pangunahing mga bansang kapitalista sa mundo. 

Sa mga pangyayaring ito, grabeng naapektuhan ang mga mahihirap na bansa. Lumubog ang maraming lugar. Tagtuyot sa iba't ibang lugar. Sobrang init ay biglang uulan, kaya nagkakasakit ang mga tao. Nagbago ang klima kaya ang pagtatanim ng mga magsasaka'y naapektuhan. Dahil ang mga mayayamang bansa ang dahilan ng labis na pagkasira ng kalikasan, dapat silang magbayad (reparasyon) sa mga mahihirap na bansa, sa iba't ibang porma, tulad ng salapi, mga pagkain, at iba pa, na magtitiyak na ang pananagutan nila sa mga mahihirap na bansa ay matugunan. 

Sa madaling salita, sa pagsulpot ng sistemang kapitalismo, unti-unti nang nawasak ang ating kalikasan, ang klima ng mundo. Dapat baguhin ang sistemang ito.

MARALITA, MAGKAISA

Hindi tayong mga maralita ang dapat magdusa sa mga nagaganap na pagbabago ng klima. Hindi tayo dapat itaboy na parang mga daga sa ating mga tahanan. Hindi tayo dapat alisin na lamang basta sa mga danger zones para itapon sa death zone. Hindi tayo tatangging mapunta sa ligtas na lugar. Sino ba ang aayaw? Ngunit nasaan ang kabuhayan, ang ilalaman sa aming tiyan kung ilalayo kami sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay, kung itataboy kami sa mga relocation site na gutom ang aming kagigisnan. 

Ilang beses na bang nagsibalikan ang mga maralita mula sa mga relokasyong pinagdalhan sa kanila? Napakarami na. Dahil hindi solusyon ang pabahay lamang. Dahil nakakaligtaan ng pamahalaan ang tatlong magkakaugnay na usapin ng pabahay, trabaho at serbisyo, na isa man sa mga ito ang mawala ay tiyak na problema sa maralita. Ang kailangan ng maralita'y di lang simpleng pang-unawa, kundi totoong programang magkasama ang pabahay, hanapbuhay at serbisyo, at hindi negosyong pabahay at matataas na bayarin. Ang munting usaping ito'y hindi kalabisan, kundi ito'y makatarungan lamang para sa mga maralitang tao rin tulad ng mga nasa pamahalaan.

Ang dapat asikasuhin ng pamahalaan ay singilin ang mga bansang malaki ang naiambag sa pagbabago ng klima. Dapat magbayad ang mga ito sa mga mahihirap na bansa. Gayunman, hindi ito ganito kadali, lalo na't kaligtasan ng buhay ang nakasalang, at di sampung tao lamang ang pinag-uusapan dito, kundi milyong tao. Kaya marapat lamang itong pagtuunan ng pansin, pag-aralan at paghandaan, di lamang ng pamahalaan, kundi ng mismong mga taong direktang maaapektuhan. Hindi maaaring ang mga ibon ang magpapasiya sa kapalaran ng mga isda. Dapat mismong ang taumbayan ay kasama sa pagdedesisyon sa kanilang kapalaran at kaligtasan. Dapat magkaugnayan, magtulungan at magkaisa ang buong sambayanan upang singilin ang mga mayayamang bansa, at baguhin na ang kapitalistang sistemang mapangwasak sa kalikasan na ang pangunahin lagi ay akumulasyon ng tubo imbes na pangalagaan ang kalikasan at ang mamamayan.

PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE (PMCJ)
Setyembre 12, 2012

Miyerkules, Setyembre 5, 2012

Hustisya sa Klima o Hustisyang Pangklima?


HUSTISYA SA KLIMA O HUSTISYANG PANGKLIMA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong una kong isinalin ang salitang climate justice ay naging tampok sa akin kung ano nga ba ang tamang salin nito sa wikang Filipino. Mas ginamit ko ang hustisya sa klima kaysa hustisyang pangklima. Ginamit ko ito sa mga artikulo ko sa dalawang isyu ng magasing Ang Masa, na nalathala noong Oktubre at Disyembre 2011, at sa ilang dokumentong ipinasalin sa akin.

Mahalaga ang tamang pagkakasalin nito lalo na't nais ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na mas maunawaan pa ng higit na nakararaming masa ang panawagang climate justice. Bakit hustisya sa klima? Ang klima ay hindi tao na nangangailangan ng hustisya. Marahil dapat ay hustisyang pangklima, ngunit ang salitang pangklima'y eksklusibo lamang sa klima, at hindi sa pangkalahatan.

Sa ganitong dalawang nagtutunggaliang pagsasalin ay dapat itong maipaliwanag ng husto. Ano nga ba ang tama, at ano nga ba ang dapat?

Marami tayong maeengkwentrong mga salita't parirala sa talastasang bayan ang hindi natin agad napapansin, ngunit mahalagang pansinin, upang hindi maligaw ang babasa. Sa ginawa kong tula noon tungkol sa pag-ibig, para lamang tumama sa tugmaan ay isinulat ko ang dalawang salitang mukhang maamo kaysa maamong mukha. Sa biglang tingin, magkapareho ito, mukhang maamo at maamong mukha, binaligtad lamang. Ngunit agad ko ring pinalitan ang taludtod dahil tila mali ang pagkakagamit ko ng mukhang maamo. Ang maamong mukha'y naglalarawan ng matimyas na paghanga sa kagandahan ng dilag, na taliwas sa mukhang maamo na may bahid ng pagdududa dahil sa likod ng kaamuhang iyon marahil ay may natatagong hindi maganda o kaya'y ugaling sukaban.

Kahit ang pagkakasalin ng World War II, sa palagay ko ay mali. Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang palasak na pagkakasalin, imbes na Ikalawang Daigdigang Digmaan. Dumaan pa ito sa matinding debate noon sa internet sa pagitan ng ilang mga blogger, ngunit hindi ako natinag sa aking pasubali. Isinulat ko: "Ang tamang salin ng World War II ay Ikalawang Daigdigang Digmaan at hindi ang nakasanayang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil ang salitang 'pandaigdig' ay may konotasyon ng pagpayag o pagsang-ayon sa bagay na tinutukoy. At dahil hindi lahat ay payag o sang-ayon sa digmaan, maling isalin na Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang World War II, kundi mas tumpak na gamitin ang nyutral na salitang Ikalawang Daigdigang Digmaan." 

Sa palagay ko, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isang pilit na salin ng mga pahayagan noon. Kailangang isalin sa wikang Pilipino ang mga sulating Ingles nang daglian para sa arawang pahayagan para sa mambabasang Pilipino. Hanggang sa ito'y lumaganap bilang siyang salin. Mahalaga ang nyutralidad sa bagay na tinutukoy, at ang pandaigdig ay di nyutral sa pagtukoy sa digmaan, na kaiba sa gamit sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan at Pandaigdigang Pahayag ng Karapatan ng Tao. Sa kasaysayan ay napakalakas ng oposisyon sa maraming naganap na digmaan, habang wala naman sa araw ng kababaihan at pahayag ng karapatan.

Paano nga ba ginagamit ang unlaping "pang"? Para lamang ba maglarawan o mag-angkin ng mga bagay na tinutukoy? Ang bra ay pambabae, ang brief ay panlalaki, ang tabo ay pangsalok ng tubig, at iba pa. Ang "pang", "pam" at "pan" ay pareho lang ng gamit, depende sa unang katinig na karugtong para mas madulas sa dila ang pagbigkas. Ang pangbabae ay ginawang pambabae, ang panglalaki ay panlalaki, ang pangsalok ay panalok, at iba pa.

Ngayon, hustisya sa klima ba ang tamang salin ng climate justice, o hustisyang pangklima? Ang klima ay hindi tao, kaya bakit nangangailangan ng hustisya? Marahil, hustisyang pangklima nga ang tama. Totoo naman ang sinasabi ng iba na pag nabigyan ng hustisya ang klima, lahat ng maaapektuhan nito'y maaapektuhan din. Ngunit hindi ito ang punto, kundi paano ang halaga sa gamit ng salita.

Mamaya na mula ang debate. Pag sinabi nating hustisya sa manggagawa at hustisyang pangmanggagawa, pareho ba ito? Ano ang kaibahan nila? Pag sinabi nating hustisya sa babae at hustisyang pambabae, pareho ba ito? Ano ang pagkakaiba nila? Sa pagkakagamit ng unlaping "pang", narito ang pagkakaiba.

Ang hustisya sa manggagawa ay maaaring gamitin sa isang manggagawa o sa buong manggagawa, at marahil kahit hindi manggagawa ay pwede niyang magamit ang hustisyang ito. Ang hustisyang pangmanggagawa naman ay para lang sa manggagawa, at hindi maaari sa magsasaka, mangingisda at maging sa maralita. Mayroon bang hustisyang pambabae? Ibig bang sabihin nito, hindi ito pwedeng gamitin ninuman maliban sa babae? Halimbawa, ang babae'y ginahasa at pinatay, hustisyang pambabae ba pag ikinulong ang nagkasala? Hindi ba't ang karaniwang nakasulat sa ganitong kaso ay hindi naman biktima versus suspek, hindi naman pangalan ng babae versus pangalan ng suspek, kundi People of the Philippines versus pangalan ng suspek?

Pagkat ang hustisya'y pangkalahatan, sa mga ugnayan, sa mga relasyon nito sa iba't iba. Dito pumapasok ang aking mga kadahilanan kung bakit hustisya sa klima. Ang hustisya ba ay para lang sa klima kaya hustisyang pangklima? O mas angkop ang hustisya sa klima? Dahil ang hustisya sa klima'y tumatagos sa lahat ng naaapektuhan nito, maging ito man ay manggagawa o kapitalista, magsasaka o asendero, mahirap o mayaman, palaboy o burgis, maging anuman ang kasarian.

Walang makakaangkin sa hustisya. Ang hustisya ay para sa lahat.