Martes, Marso 29, 2011

O, Inang Kalikasan (Sa pusod ng Palawan) - ni Anthony Barnedo



O, Inang Kalikasan (Sa pusod ng Palawan)
ni Anthony Barnedo
March 26, 2011



Pumapailanlang ang tinig ng iyong pagtangis
Ang kaluwalhatian mo ay pilit na dinahas
Hinamak ang iyong kagandahan sa isang kumpas
Niyurakan ang dangal, walang awang winasiwas.

Ang puno mo’y itinumba, batis mo’y dinungisan
Ang magsasaka’y natanggalan ng lupang sakahan
Ang mangingisda’y nataboy sa laot ng kawalan
O, Inang Kalikasan, panganib ay nariyan.

Nagdiwang sa pagkamal ng karampot na salapi
Sinisilaw sa pag-unlad, buhay ay binibili
Kaguluhan sa tunggalian ng iisang lahi
Habang ang nagpapayamang uri ay nakangisi.

Walang habas sa pagbungkal, magiting na minero
Tila di alintana pagdaing ng palawenyo
Ano ang papel ng kagalang-galang na gobyerno?
Ang Inang Kalikasan, tuluyan bang maglalaho?

Kayamanan ng Palawan ay yaman nga ng bansa
Di ng dayuhan at negosyanteng hangad ay kita
Sukdulang inangkin, sa perlas niya’y nagpasasa
O, Inang Kalikasan, sa pusod ng kanyang diwa

Martes, Marso 8, 2011

Ang Nakatarak sa Pusod ng Palawan

ANG NAKATARAK SA PUSOD NG PALAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Palawan, kalikasan, yaman ng buong bayan
Ano't ito'y wawasakin ng mga minahan
Tila walang pakialam sa kinabukasan
Ng kapwa, ng bayan, ng buhay, ng kalikasan

Lalasunin ng mina ang lupang katutubo
Lalasunin upang kapitalista'y tumubo
Tubo'y nag-udyok kahit Palawan na'y maglaho
Sa tubo'y sakim basta't magpatuloy ang luho

Solusyon ba ang pagmimina sa kahirapan
Bakit ito'y papayagan ng pamahalaan
Nang mapunan ba ang bangkaroteng kabang-yaman
Na halos ubusin ng mga trapong gahaman

Kasama ba ang Palaweños sa pagpapasya
Upang Palawan ay masukol ng pagmimina
Hindi, mga Palaweños ay di isinama
Pagkat batid ng maypakanang tatanggi sila

Sa pusod ng Palawan ngayon na'y nakaumang
Ang matalas na patalim nilang mapanlamang
Nang dahil sa tubo, kanila bang nalalamang
Buhay nati'y wawasakin nilang mga halang

Lalasunin ng pagmimina ang mga tanim
Wawasakin ng mga sakim ang puno't lilim
Gutom, sakit, masa'y mapupunta na sa dilim
Pagkawasak ng Palawan ay ating panimdim

Pagmimina'y sadya ngang karima-rimarim
Pagkat idudulot nito sa bayan ay lagim
Huwag nating pabayaan silang mga sakim
Na sa likuran tayo'y tarakan ng patalim

Sa pusod ng Palawan, ang pagmimina'y banta
Sa buhay ng masa, magsasaka't manggagawa
Gawin natin anumang tulong na magagawa
Tulad nitong panawagang sampung milyong lagda

(May proyektong 10 million signatures campaign ang Save Palawan Movement, Alyansa Tigil Mina [ATM], at ABS-CBN Foundation, Inc., upang itigil ang pagmimina sa Palawan.)