Linggo, Nobyembre 22, 2009

Kalikasan - ni Erica ng Caloocan

mula sa multiply ni erica ng caloocan:
http://emjim.multiply.com/journal/item/7/Kalikasantula_sa_pinoy?replies_read=1

Kalikasan

(Sit-si-rit-sit)

Kalikasa’y ating pag-ingatan,

Nang magamit sa kinabukasan.

Likas na yaman ating mahalin,

Ito’y para sa atin din.

Kalikasan ay magandang tunay,

Na nagbibigay sa ‘tin ng buhay.

Nang inabuso ng mga tao,

Ang kapaligiran ay yumao.

Kalikasan lubos na nawasak,

Kaya tayo’y sa dusa nasadlak.

Ito’y dahil sa ating kapabayaan,

Tayo na’t gumawa ng paraan.

Kalikasan ating alagaan,

Panatilihin ang kagandahan,

Kalikasan ating payabungin,

Nang ang Diyos Ama ay sumaatin.

Biyernes, Nobyembre 13, 2009

Utang kay Inang Kalikasan

UTANG KAY INANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

sadyang kayrami na ng utang
natin kay inang kalikasan
kinalbo na ang kabundukan
at puno'y di pa pinalitan

di maalalang pagtaniman
ang kanilang pinagputulan
nais lang nilang pagtubuan
ang mga punong naririyan

kaya pag may nangyaring sigwa
at buong bayan ang binaha
na lumunod sa mga dukha
sisisihin pa'y maralita

gayong sila'y kaawa-awa
wala na ngang sariling lupa
sa kabuhayan pa'y walang wala
tinataboy pang parang daga

ang nais ng mamumuhunan
ay kung paano pagtubuan
ang ating mga likasyaman
at wala silang pakialam

sa ating Inang Kalikasan
kaya sino ba ang may utang
sa pagwasak sa kalikasan
ang mahirap o ang mayaman

tayo rin ang makasasagot
sa tanong na itong sumulpot
sino ba ang dapat managot
sa nangyaring delubyong salot

yaon bang mga mapag-imbot
sa yamang nais makurakot
o dukhang sa puso'y may kirot
pagkat buhay ay isang dakot

Karapatan at Kalikasan

KARAPATAN AT KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

tayong tao raw ang tagapangalaga
nitong kalikasang bigay ni Bathala
ngunit ngayon tayo'y tagapangasiwa
nasa diwa'y tubo sa pamamahala

"yaong mga puno'y sibaking tuluyan
gawin nating troso upang pagtubuan
at nang mga ito'y maging kasangkapan
at malaking ambag pa sa kaunlaran"

at ang dugtong pa ng kapitalista:
"itapon sa dagat ang mga basura
na pawang nalikha sa ating pabrika
at nang makatipid sa tuwi-tuwina"

"pati mga usok, itaboy sa hangin
itapon ang dumi sa may papawirin
mga dagdag karbon pa'y ating sunugin
ito nama'y para sa pag-unlad natin"

sadyang kawawa na itong kalikasan
winawasak para lamang pagtubuan
di na iniisip ang kinabukasan
kundi tubo, tubo, tubo lamang

karaniwang tao'y laging nagtatapon
ng mga basura dito, diyan, doon
kung saan-saan lang, tila sila maton
di na iniisip ang mahihimaton

karapatan natin ang pangalagaan
itong kalikasan at kapaligiran
at di karapatang gawing basurahan
itong mundong ating pinaninirahan

Sala sa Init, Sala sa Lamig

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

sala sa init, sala sa lamig
tag-araw ngunit nangangaligkig
sa ginaw ang butong nanginginig
para bang yelo ang dinadaig

sala sa lamig, sala sa init
ang panahon ay nakakabwisit
ang buhay natin ay nasa bingit
tayo'y tiyak nang magkakasakit

dahil nagbabago na ang panahon
kaya marami'y nagkakasipon
nagbabaga ang araw kahapon
at biglang taglamig naman ngayon

dapat nating pag-aralan ito
bakit nangyayari ang ganito
bakit panahon ay nagbabago
at marami tayong apektado

sala sa lamig, sala sa init
buhay na'y nagkakasabit-sabit
imbes maalwan, pulos pasakit
parang sistema'y wala nang bait

sala sa init, sala sa lamig
dahil daw ito sa global warming
tayo ngayon ay dapat makinig
nang klima'y di tayo malupig

dapat natin itong intindihin
nang malaman din ang dapat gawin
pagkat kayhirap itong tiisin
lalo na ng mga anak natin

at kung di tayo kikilos ngayon
kawawa ang bagong henerasyon
alamin kung ano't sinong rason
at pagbayarin ang mga iyon

Tres Singkwenta (350ppm)

TRES SINGKWENTA (350ppm)
(350 parts per million)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tatlong daan limampung bahagi bawat angaw
ang umano'y antas na ligtas ang mundong saklaw
na ng karbong nanunuot sa lupang ibabaw
ngunit di lamang ito numerong paimbabaw

pagkat ang tres singkwentang bahagi kada milyon
ang siyang antas ayon sa mga aghamanon
na siyang ating dapat na pagtuunan ngayon
nang masagip ang atmospera sa mga karbon

pag yaong karbon sa antas na ito'y lumampas
ating atmospera'y tuluyan nang mabubutas
krisis na ang klima, baka tayo na'y maagnas
at wala nang kahapong sa mundo'y mababakas

palilipasin ba natin ang pagkakataon
na tayo'y maaaring may magawa pa ngayon
kaysa tumunganga't pabayaan lang mabaon
sa limot at karbon ang masasayang kahapon

habang pinag-aaralan natin ang lipunan
aralin din ang kalagayan ng kalikasan
na unti-unti nang winawasak ng puhunan
mismong mundo ang kanilang pinagtutubuan

tandaan: tres singkwentang bahagi kada milyon
o kaya'y ang numerong mas mababa pa roon
tulad ng bago mag-Industrial Revolution
ang tanong: maibabalik pa ba ang kahapon

Katarungang Pangkalikasan

KATARUNGANG PANGKALIKASAN
(Climate Justice)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

umiiyak ang maraming kaluluwa
na gumagala pa sa sangkalupaan
bakit ganito raw ang ating sistema
at winawasak pa itong kalikasan

di ko alam kung anong dapat isagot
sa ninunong kaytindi ng mga tanong
ah, bakit nga ba ganito ang inabot
sagot ko'y sa sarili lang binubulong

ang delubyo ba'y isang paghihiganti
pagputok ng bulkan ba'y tanda ng galit
kalikasan kung mapoot ba'y kaytindi
kaya may global warming, mundo'y nag-init

pagkaalam ko'y ang mayamang hilaga
yaong nagdulot ng ganitong sistema
kaya maraming bansa ang naging dukha
pagkat taga-hilaga ang nag-okupa

nang dahil sa tubo'y walang pakialam
kung anong mangyayari sa ating mundo
nagmina, nagkalbo, itatayo pa'y dam
tanging alam nila'y tubo, tubo, tubo

sumigaw ang kalikasan ng hustisya
pagbayarin lahat ng may kagagawan
hustisya para sa apektadong masa
dapat makakalikasang katarungan

Ang Mundo sa Kalan

ANG MUNDO SA KALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Ang ating mundo'y tila ba nasa kalan
Pagkat ito'y nag-iinit ng tuluyan
May global warming na dito sa silangan
At pati na sa buong sandaigdigan

Anong dapat nating gawin sa problema
Lalo't apektado'y ang lahat-lahat na
Kalikasan, kapaligiran, ang masa
At pati na ekonomya't pulitika

Nag-iinit ang mundo dahil nabutas
Ang atmospera sa dami na raw ng gas
Ang mga tao'y saan kaya lilikas
Pag nagpatuloy itong masamang landas

Sino bang naglagay ng mundo sa kalan
Yaon bang mahihirap o mayayaman
Sinong dapat sisihin ng mamamayan
Kung ang kalikasa'y masirang tuluyan

Ang mga pabrika ng kapitalista
Ay panay na usok ang ibinubuga
Coal power plant ang pinaaandar nila
Panay luho lang ang mga elitista

Tila ang burgesya'y walang pakialam
Ayaw hanguin ang mundong nasa kalan
Mga elitista'y walang pakiramdam
Kahit masira man itong kalikasan

Katwiran nila'y di agad apektado
Yaong tulad nilang mayayaman dito
Pabayaan daw ang karaniwang tao
Na mamatay sa pag-iinit ng mundo

Kung magsalita'y parang walang daigdig
Silang tahanan kaya ayaw palupig
Ngunit tayong karaniwan ay titindig
Hanggang silang elitista na'y manginig

Karaniwang masa'y dapat nang magsama
Mag-aklas na tayo laban sa burgesya
Palitan natin ang bulok na sistema
Maghanda nang gibain ang dibdib nila

Ang bawat laban ay ating paghandaan
Dapat nang magwagi sa mga gahaman
Mundo'y di dapat manatili sa kalan
Kaya ito'y ating hanguing tuluyan

Niyebe sa Perlas ng Silangan

NIYEBE SA PERLAS NG SILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano kaya kung umulan ng niyebe
marahil magtatampisaw rito'y marami
ngunit tiyak tayo'y magugulantang dine
ang tanong natin: paano ito nangyari

kung magkaniyebe sa perlas ng silangan
tayo ba'y uunlad na tulad sa kanluran
bansang may niyebe'y maunlad kadalasan
tulad ng sa Amerika't Europang bayan

ngunit niyebe'y di taal sa ating bansa
sari-sari na ang iisipin ng madla
may magsasabing magbago ang masasama
kaya ang bansang ito'y agad isinumpa

ngunit bakit ba magkakaniyebe rito
gayong tayo'y isang bansang nasa tropiko
kayganda ng panahon at di nagyeyelo
at ang ating bansa'y nasa gitna ng mundo

yaong bansang nasa dulo ang kaylalamig
sagad sa yelong sadyang nakapanginginig
magsasalita ka'y umaaso ng bibig
nanunuot ang ginaw sa laman at bisig

pag nagkaniyebe rito'y krisis ang klima
lagay ng panahon ay pabago-bago na
mababagong tiyak ang lakad sa pabrika
pati na sa mga kumpanya't opisina

mababagong tiyak ang ating pamumuhay
sa bagong klima'y baka di pa makasabay
marami'y hirap kung paano aagapay
kahit maaring malagpasan itong tunay

kung sakaling may niyebe sa ating bayan
aba'y agad alamin kung anong dahilan
ito'y talakayin at agad pag-usapan
bago pa ito magdulot ng kamatayan

Tayo'y Iisang Daigdig

TAYO'Y IISANG DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Tayo'y nasa iisang daigdig
Na dapat punuan ng pag-ibig
Sa pag-asa tayo ay sumandig
Puso't diwa ang ating kaniig

Bakit ba tao'y nagpapatayan
Imbes na problema'y pag-usapan
Bakit nais lagi'y mag-initan
Imbes na sila'y naggagalangan

Anuman ang ating lahi't kulay
Tayo'y magkakapatid na tunay
Sa anumang problema'y kadamay
Bawat isa'y dapat maging gabay

Bawat isa'y ating irespeto
Lalo ang karapatang pantao
Pagkat iisang daigdig lang tayo
Magmahalan na ang buong mundo

Nagbabagang Taglamig, Nagyeyelong Tag-araw

NAGBABAGANG TAGLAMIG
NAGYEYELONG TAG-ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nagbabagang taglamig, nagyeyelong tag-araw
tila baligtad na ang dito sa mundo'y galaw
yelo sa dulong mundo'y tuluyan nang nalusaw
umangat na ang tubig, mga lupa'y nagsabaw

nagyeyelong tag-araw, nagbabagang taglamig
ano na ang nangyayari sa ating daigdig
tag-araw nga ngunit kayraming nangangaligkig
at sa tag-ulan ay kay-init ng dinidilig

sinong dapat sisihin sa nangyayaring ito
ang may gawa ba nito'y tadhana o ang tao
o kasalanan ng sistemang kapitalismo
ngunit tiyak dapat na may mananagot dito

apaw ang ilog, barado pati mga kanal
pati namamahala ng dam ay tila hangal
kung anu-ano na lang ang ating nauusal
pagkat di matukoy kung sino ba ang kriminal

anong mangyayari sa sunod na henerasyon
kung tila tayo rito ngayon na'y nilalamon
ng delubyo, baha, at kung anu-ano pa iyon
gusto ba nating basta na lang tayo mabaon

nagbago na ang kalagayan ng ating mundo
dahil nalulusaw na sa hilaga ang yelo
apaw na rin ang tubig sa kalupaan dito
butas na rin ang atmospera ng mundong ito

kaybigat ng kinakaharap na suliranin
kaya sadyang kailangang agad talakayin
at pag-usapan na ang nangyayari sa atin
ating alamin ang mga nararapat gawin

bawat bansa't mamamayan dapat magtulungan
panahon na ito ng totoong bayanihan
kung hindi ngayon, pagkilos pa ba ay kailan
walang ibang panahon, ngayon na, kaibigan

Kalbong Bundok

KALBONG BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

wala nang puno sa may kabundukan
dahil kinalbo ng mga gahaman
mga ibon na'y walang madapuan
mga puno'y nawala nang tuluyan

pagkat kanila nang pinagpuputol
puno'y kalakal ang kanilang hatol
tubo yaong lakas na sumusulsol
hinahasa na ang mga palakol

lumubog ang lungsod dahil sa baha
kaya maraming taong nakawawa
lalo na yaong mga maralita
dukha na nga'y lalo pang naging dukha

kalbo na ang bundok, bundok na'y kalbo
pagkat winasak ng mga berdugo
pag bagyo'y dumating, agad delubyo
tao'y dahilan, kawawa ang tao

nang dahil sa tubo'y biglang nalugmok
pagkat niyakap ang sistemang bulok
ang produkto nila'y itong kalbong bundok
kaya taumbayan na'y nagmumukmok

sa lakas ng unos ay di mahigop
pagkat mga puno'y dahop na dahop
pawang mga tubig ang sumalikop
sa mga taong di nito makupkop

kaya halina't magtanim na tayo
huwag pabayaang bundok ay kalbo
baka sakaling masagip pa nito
itong tao kung muling may delubyo

halina't magtanim tayo ng puno
dahil sa kalikasan, di sa tubo
iwasan nang tayo'y maging maluho
at baka tayo'y tuluyang maglaho

Mga Puno'y Ating Itanim

MGA PUNO'Y ATING ITANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di tayo dapat mabuhay sa lagim
ng delubyong dahilan ng panindim
hangga't may araw pa't di pa dumilim
sari-saring puno'y ating itanim

tamnan natin ang nakakalbong bundok
mula sa paanan hanggang sa rurok
palitan na rin ang sistemang bulok
na sa dangal natin ay umuuk-ok

ang mga puno'y kaylamig sa mata
sa mga nakakakita'y kayganda
lalo na kung ito'y maraming bunga
na gamot sa gutom ng bawat isa

puno'y sisipsip sa tubig ng unos
kaya puno'y pananggalang ding lubos
at pambuhay din sa mga hikahos
kaya huwag hahayaang maubos

pagkat puno'y mainit na sa mata
ng nagnenegosyong kapitalista
tingin agad nila'y trosong pambenta
at 'dala ng puno'y malaking pera

nais nila'y ang kalbuhin ang gubat
imbes kunin lang ay kung anong sapat
wala nang puno sa gubat na salat
sa minsang unos ay nagiging dagat

kaharap nati'y panibagong hamon
nasa ating kamay yaong solusyon
magtanim na tayo ng puno ngayon
kung ayaw nating sa baha'y mabaon

bawat paraan ay ating isipin
nang kalikasa'y maaruga natin
pagtatanim ng puno'y ating gawin
para sa bukas ng lahat sa atin

Lawa at Tahanan

LAWA AT TAHANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Pinatay nyo kami pag pinatay ang lawa
Malinaw na sabi ng mga mangingisda
Tulad din ng tahanan naming maralita
Pag dinemolis parang pinatay ang dukha.

Igalang nyo naman ang aming karapatan
Sa maayos at disenteng paninirahan
Kapag ito'y pinilit agawin ninuman
Maghahalo na ang balat sa tinalupan.

Pag tuluyan nyong winasak ang aming bukas
Buhay namin ay unti-unti nyong inutas
Di kami payag ganito ang maging landas
Gaganti kaming tiyak kami'y paparehas

Kaya ang lawa'y huwag gawing basurahan
Pagkat pagkain natin iyan ang kuhanan
Lawa't kalikasan ay ating alagaan
At labanan ang sinumang sisira niyan

Protesta ng mga Puno

PROTESTA NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

balak naming puno'y iprotesta kayo
pagkat kayo'y sadyang walang kwentang tao
pinatay nyo kaming unti-unti rito
kaya nadanas nyo ang mga delubyo

pinasok nyong pilit ang aming tahanan
at ginalugad ang buong kagubatan
sinibak nyo kami upang pagtubuan
ginawang mapanglaw ang aming tahanan

pinagpuputol nyo ang aming kapatid
na mga puno rito habang kami'y umid
kayong mga tao'y pawang mga manhid
sa buhay na ito'y kayo ang balakid

ilan sa inyo ang sa delubyo'y saksi
at sino ang agad ninyong sinisisi
di ba't kalbong bundok, kalbong gubat, kami
kayong mga tao'y amin bang kakampi

pababayaan ba namin kayong tao
kahit itong gubat inyo nang kinalbo
wala kayong awa sa mga narito
ang dala nyo rito'y aming dyenosidyo

bakit kayong tao sa mundo'y nilalang
gayong ugali nyo'y pawang salanggapang
ang akala nyo ba kami'y nalilibang
sa mukha nyo gayong kayo'y mga hunghang

kailan pa kayo magpapakatino
at magkakaroon ng mabuting puso
tigilan nyo na ang pagpaslang ng puno
upang kalakalin at kayo'y tumubo

sa aming protesta kayo ang kawawa
di na masisipsip ang mga pagbaha
pagkat ang ginawa nyo'y kasumpa-sumpa
sa aming kapatid na puno at lupa

kaya nga bago pa mahuli ang lahat
ay inyong ayusin itong aming gubat
kahit ang ugnayan natin ay may lamat
pag ginawa'y agad ang aming salamat

ngunit kung ayaw nyong dinggin itong hiling
ay pababayaan na lang kayo namin
protesta na kami saan man abutin
kayong tao'y amin nang kakalabanin

Kapitalismo'y Laban sa Kalikasan

KAPITALISMO'Y LABAN SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ang kapitalismo'y laban sa kalikasan
Ito ang sistemang sumira ng sagaran
Sa ating mundo, pagkatao, karangalan
At sa buhay ng karaniwang mamamayan

Nang dahil sa tubo, unti-unting sinira
Ng kapital ang kalikasang lumuluha
Ang nagpapasasa dito't kumakawawa
Ay mga kumpanya at tao sa hilaga

Nang dahil sa tubo, kung saan-saan sila
Nagtatapon ng kanilang mga basura
Ginagawang tambakan ang kalapit nila
Walang pakialam kung makakasira na

Sa tubo nabubuhay ang kapitalismo
Na isang sistemang sadyang salot sa mundo
Pinapatay nitong unti-unti ang tao
Ito'y walang pakialam kahit kanino

Sinakop ang mga bansa upang nakawin
Ang likas na yaman ng mga bayan natin
Ginahasa nila ang kalikasang angkin
At mamamayan pa'y kanilang inalipin

Kaya ibagsak natin ang kapitalismo
Na yumurak na sa dangal ng bawat tao
At sumira pa sa daigdig nating ito
Magkaisa na ang mamamayan ng mundo

Makibaka para kay Inang Kalikasan

MAKIBAKA PARA KAY INANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

halina't inyong pakinggan ang panawagang
makibaka para kay Inang Kalikasan
magsama-sama ang lahat ng mamamayan
upang maapula ang mga kasiraan

nararamdaman natin ang sakit ni ina
nadadamay rin tayong mga anak niya
dahil pag si ina'y nawalan ng hininga
tayong naririto pa'y tiyak magdurusa

ating durugin lahat ng may kagagawan
ng pagkasira ng likas nating tahanan
makibaka para kay Inang Kalikasan
siya'y ating patuloy na pangalagaan

pag ang kalikasan ay tuluyang nasira
at si Inang Kalikasan na ay nawala
paano na tayong narito pa sa lupa
tiyak tayong lahat dito'y kaawa-awa

kaya ngayon pa lang atin nang alagaan
itong ating nag-iisa't tanging tahanan
at suriing mabuti ang mga dahilan
nang sa gayon ito'y ating masolusyunan

gibain natin ang anumang mekanismo
na unti-unting sumira sa ating mundo
maraming nagsasabing dahilan daw nito
ay ang bulok na sistemang kapitalismo

dahil sistemang ito'y walang pakialam
sa kapwa tao kundi sa tutubuin lang
kalikasan ay sinira ng mga gahaman
na iniisip lang ay pawang karangyaan

kaya nga dapat mabago na ang sistema
upang sistemang bulok ay mapalitan na
kung di tayo kikilos ngayon, kailan pa
halina't magpatuloy sa pakikibaka