Biyernes, Agosto 21, 2009

Laiban Dam, Tutulan

LAIBAN DAM, TUTULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

(binasa ang ilang bahagi ng tulang ito sa environment forum na ang paksa'y ang balak na pagtatayo ng Laiban Dam at ang pagtutol ng marami sa prouektong ito, noong Agosto 21, 2009 ng tanghali sa Kamayan Edsa)

Proyektong Laiban Dam ay para lang
Sa pagpapayaman ng iilan
Ito'y di para sa kalahatan
Kundi sa tubo ng kalakalan.

Ang Laiban Dam ay dapat tutulan
Pagtayo nito'y ating labanan
Ang kalikasan ay alagaan
Pati katutubong mamamayan.

Ito'y hindi lang lokal na isyu
Kaya huwag tumahimik dito
Pagkat tayong lahat apektado
Di lang ang nasa paligid nito.

Ang tubig ay ating karapatan
Hindi lang ng nasa kalunsuran
O narito sa Kamaynilaan
Higit pa'y sa tagalalawigan.

Laiban Dam ay hindi kailangan
Ito'y dapat nating mapigilan
Para sa ating kinabukasan
At sa kinabukasan ng bayan

Sulyap sa Kalikasan

SULYAP SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Nang magkapulmonya ang daigdig
Dama natin ang kanyang kaligkig
Apektado tayo't nanginginig
Dahil climate change ay lumalawig

Kahit tag-araw ay umuulan
Nagbabaha lagi sa lansangan
Basura'y nagkalat kahit saan
Puno'y unti na sa kagubatan

Tumaas ng ilang sentimetro
Ang tubig dagat sa buong mundo
At natutunaw na raw ang yelo
Ah, mabuti't di pa metro-metro

Ang tag-init ay naging taglamig
Kayrumi pa rin ng Ilog Pasig
Dito'y ano ba ang ating tindig
Sa pagkasira'y sinong uusig

Bakit naghihingalo na ang lupa
Sa kaunting ulan bumabaha
Dahil ba tayo'y naging pabaya
Sa mundo'y di na mapagkalinga

Ang tao pa ba'y nakababatid
O sa atin pa ba'y nalilingid
Na panay usok ang himpapawid
Na kagagawan natin, kapatid

Paano tayo nito kikilos
Kung sa isyung ito'y tayo'y kapos
Dapat nating unawaing lubos
Ang iba't ibang isyu ng signos

Ang ganitong problema'y di biro
Kaya kilos na't huwag susuko
Nang lupa'y di tuluyang gumuho
At mundo'y di ganap na maglaho

Mundo'y nagkasugat ng tuluyan
Ngunit maghilom ma'y balantukan
Dapat kumilos ang taumbayan
Upang magamot ang kalikasan

Pagkat walang mag-aayos nito
Kundi tayong nakatira rito
Kaya halina't kumilos tayo
Para sa iisa nating mundo

Mahalin Natin ang Kalikasan

MAHALIN NATIN ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

mahalin natin ang kalikasan
pagkat isa lang ang ating mundo
kung ito'y ating pababayaan
tiyak magiging kawawa tayo

papayag na ba tayong mawala
ang mundong kinalakihan natin
papayag na ba tayong masira
itong daigdig na sadyang atin

hindi, huwag, pagkat kawawa lang
ang bukas ng ating mga anak
at huwag pabayaan sa hunghang
baka mundo'y lalong mapahamak

alagaan natin ang daigdig
ito'y huwag nating pabayaan
pagkat ito'y pugad ng pag-ibig
ng marami nating mamamayan