Martes, Enero 7, 2025

Paglalakbay

PAGLALAKBAY

sa pagbabasa nalalakbay ko
ang iba't ibang panig ng mundo
pati na kasaysayan ng tao
ng digma, bansa, pananaw, siglo

kaya hilig ko ang pagbabasa
ng kwento, tula, dula, nobela
ng kasaysayan, ng pulitika
maging ng pagbabago ng klima

talambuhay ng mga bayani
kwento ng pag-ibig ng magkasi
panawagang hustisya ng api
pati na nakatagong mensahe

magbasa't matututo kang sadya
sa hirap ng masa't maralita
sa misyon ng uring manggagawa
sa gawa ng bayani't dakila

- gregoriovbituinjr.
01.07.2025

Lunes, Enero 6, 2025

Maligayang ika-41 kaarawan, sinta ko

MALIGAYANG IKA-41 KAARAWAN, SINTA KO

kahapon, nagising kang walang nakikita
di ka kumain ng gabi't nagkaganyan ka
di ka rin nakainom ng gamot mo, sinta
mabuti ngayon, nakakaaninag ka na

akala ko'y nabulag ka na ng sakit mo
mataas na creatinine daw ay epekto
buong maghapong di nakakitang totoo
buong magdamag kang binantayan, sinta ko

inom ng gamot ay dapat sa tamang oras
pati sa pagkain ay huwag magpalipas
kaarawan mo ngayon, dapat kang malakas
sana'y gumaling ka na't gumanda ang bukas

maligayang kaarawan, O, aking mahal
magpalakas ka at huwag magpakapagal

- gregoriovbituinjr.
01.06.2025

Linggo, Enero 5, 2025

Ang aklat

ANG AKLAT

nais kong basahin ang akda ni Nancy H. Kleinbaum
ang Dead Poets Society na talagang bumabaon
animo'y tinik na tumagos sa puso ko't diwa
lalo't pelikula niyon ay napanood ko nga

kung sakaling sa bookstore iyon ay matsambahan ko
bilang collector's item agad bibilhing totoo
upang mabasa't idagdag sa aklatan kong munti
inspirasyon upang sa sariling berso'y idampi

tumatak sa isip nang pelikula'y mapanood
na talagang humagod sa aking diwa't gulugod
mga makata noon ay para mong nakausap
pag mga berso nila'y tinalunton mo't nagagap

nais ko yaong nguyain na parang mga prutas
na animo'y si Adan nang kumain ng mansanas
ay, sadyang nais kong mahanap ang nasabing aklat
upang kaibuturan nito'y aking madalumat

- gregoriovbituinjr.
01.05.2025

* mga litrato mula sa google

Sabado, Enero 4, 2025

Anapol adey

ANAPOL ADEY

sinunod ko na rin ang kasabihang
"an apple a day keeps the doctor away"
mahalaga kasi sa kalusugan
ang mansanas kaya huwag pasaway

upang gumanda ang pangangatawan
nilantakan ang mansanas sa bahay
habang akin namang pinagnilayan
ang mga pinagdaanan sa buhay

ngayon nga'y mansanas ang kailangan
upang puso't diwa'y laging palagay
maruming salik ay nilalabanan
at maraming sustansyang binibigay

bagamat di man araw-araw iyan
buting may mansanas kaysa maratay
sa sakit o banig ng karamdaman
nang pati kalamna't pulso'y tumibay

sa kasabihang iyon ay natanto
bakit sa ospital walang mansanas?
at naisip ko nga bakit ganito
dahil kayrami roong doktor at nars...

- gregoriovbituinjr.
01.04.2025

Biyernes, Enero 3, 2025

Pag tinali, tinalo, tinola ang labas

PAG TINALI, TINALO, TINOLA ANG LABAS

pag tinali, tinalo, tinola ang labas
pulutan sa alak o kaya'y panghimagas
isinabong ang tandang sa labanang patas
subalit sabungero'y tila minamalas
alaga'y ginawang tinola nang mautas

tinali, tinalo at tinola'y tinala
na tila magkakaugnay silang salita
na sa masa ito'y madaling maunawa
tatlong pantig na nilalaro ang kataga
makata ba'y may nakikitang talinghaga

kaytagal mong inalagaan ang tinali
subalit sa sabungan ay agad nasawi
sapagkat pakpak nito'y nagkabali-bali
at pati leeg nito'y nahiwa ng tari
kaya ang tinali sa tinola nauwi

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

Goodbye Daliri

GOODBYE DALIRI

Goodbye Daliri ba ang paputok na iyon
na pantaboy daw ng malas sa Bagong Taon
subalit daliri niya yaong nataboy
nasabugan ng labintador, ay, kaluoy

bagamat sa komiks iyon ay usapan lang
subalit batid natin ang katotohanan
sapagkat maraming naging PWD
nais lang magsaya, ngayon ay nagsisisi

dahil sa maling kultura't paniniwala
ay maraming disgrasya't daliring nawala
di naman babayaran ng kapitalista
ng paputok yaong pagpapagamot nila

sana ang tradisyong kaylupit na'y mabago
nang disgrasyang ganito'y maglahong totoo

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

* larawan mula sa unang pahina ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, 2 Enero 2025

Pag-iipon sa tibuyô

PAG-IIPON SA TIBUYÔ

sa tibuyô, barya'y inipon ko
pawang dalawampu't sampung piso
pambili ng pagkain at libro
lalo na't mga aklat-klasiko

sa tibuyo'y ihuhulog ko na
ang anumang barya ko sa bulsa
wala lang doong piso at lima
inipon na'y malakihang barya

tibuyo'y di lang bangkong pambata
kundi alkansya rin ng matanda
kagaya kong tigulang na't mama
mabuting may ipon kaysa wala

dapat laanan din ng panahon
ang pagtitipid upang paglaon
nang may madukot pag nagkataon
pag kakailanganin mo iyon

may mga libro akong kayrami
na mula sa tibuyô nabili
kaya ngayon ako'y nawiwili
magbasa-basa't magmuni-muni

- gregoriovbituinjr.
01.03.2025

* tibuyô - Tagalog-Batangas sa salitang Kastilang alkansya

Huwebes, Enero 2, 2025

Batang edad 10, patay sa 'Goodbye Philippines'

BATANG EDAD 10, PATAY SA 'GOODBYE PHILIPPINES'

kamalasan ba, sinadya, o aksidente
pagsabog ng 'Goodbye Philippines' ay nangyari
na ikinasawi ng batang edad sampu
kaya kasiyahan nila'y agad naglaho

'Goodbye Philippines' pala'y bawal na totoo
ngunit may umabuso't iba'y naperwisyo
kaya nangyaring iyon ay talagang 'Goodbye'
dahil nawala ay isang musmos na buhay

wala pa akong alam na klaseng paputok
na 'Goodbye Daliri' ang ngalang itinampok
kung 'Goodbye Buhay' man, baka di iyon bilhin
kung may bibili man ay matatapang lang din

ah, kung ako ang ama ng batang nasawi
maghihimutok ako sa kulturang mali
babayaran ba ng kumpanya ng paputok
ang nangyari sa anak ko, di ko maarok

bawat Bagong Taong darating, magluluksa
hibik ko'y wala nang paputok na pupuksa
ng buhay o ng daliring masasabugan
at ang kulturang mali'y dapat nang wakasan!

- gregoriovbituinjr.
01.02.2025

* tula batay sa tampok na balita sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 2 Enero, 2025, pahina 1 at 2

Ang drawing ni Mayan

ANG DRAWING NI MAYAN

pamangking kong nagngangalang Mayan
ay walang makitang masulatan
naghanap sa munti kong aklatan
ng blangkong papel o kwaderno man

nakita niya ang aking libro
drinowingan ang blangkong espasyo
papangit ang aklat, akala ko
di naman pangit, di rin magulo

sa drawing niya, ako'y humanga
sa magandang aklat pa nakatha
sa espasyo ng librong The Nose nga
si Nikolai Gogol ang may-akda

edad siyam pa lang na pamangkin
ay kayhusay na palang mag-drawing
baka balang araw, siya'y maging
painter o artist pagkat kaygaling

ituloy mo, Mayan, ang pangarap
magpursige ka lang at magsikap
sarili'y sanayin mo nang ganap
at magtagumpay sa hinaharap

- gregoriovbituinjr.
01.02.2025

Pagpapatuloy

PAGPAPATULOY

magbasa ng aklat
na aking nabili
ng nakaraan lang
ang nakahiligan

pagbabasa'y bisyo
ng makatang taring
dito ko natanto
dapat nang gumising

matutong lumaban
tulad ng bayani
nitong kasaysayan
ng bayang naapi

kaya nakibaka
ang makatang tibak
doon sa kalsada
kaharap ma'y parak

ngayong Bagong Taon
tuloy sa mithiin
gagampan sa layon
sistema'y baguhin

- gregoriovbituinjr.
01.02.2025

Miyerkules, Enero 1, 2025

Pahinga muna

PAHINGA MUNA

matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon
aba'y pahinga muna kami ni Alaga
siya'y nahiga roon sa taas ng kahon
habang ako'y sa munting banig humilata

marahil siya'y humahabi ng pangarap
na magkaroon din ng masayang pamilya
habang naninilay ko'y masang naghihirap
ay guminhawa't mabago na ang sistema

habang nagpapahinga'y kanya-kanya kami
ng asam na lipunang puno ng pangako
na sa pagkilos ay sadya nating maani
isang lipunang pantay-pantay ay mabuo

kanya-kanyang pangarap, adhikaing payak
na ginhawa sa daigdig na ito'y kamtin
di ng iisang pamilya kundi panlahat
walang mayaman, walang mahirap sa atin

- gregoriovbituinjr.
01.01.2025

* Manigong Bagong Taon sa lahat!

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

dumatal ang Bagong Taon, wala pa ring nagbago
maliban sa petsa, hirap pa rin ang mga tao
tingnan mo't bilihin ay kaytaas pa rin ng presyo
iyang kamatis nga, bawat piraso'y sampung piso

Bagong Taon, kapitalismo pa rin ang sistema
nariyan pa rin ang pulitikal na dinastiya
ang pondo ng serbisyo publiko'y binawasan pa
habang nilakihan ang badyet para sa ayuda

di pa rin itinataas ang sahod ng obrero
habang kita ng negosyante'y kaylaking totoo
mandarambong pa rin ang mga nangungunang trapo
wala pang kampanyahan, nangangampanya nang todo

Bagong Taon, may nagbago ba sa buhay ng dukha?
pagsasamantalahan pa rin ba ang manggagawa?
Bagong Taon, anong nagbago? wala, wala, WALA!
aba'y Bagong Taon, Lumang Sistema pa ring sadya!

subalit panata ko, tuloy pa ring mangangarap
na itatayo ang lipunang walang naghihirap
ginhawa ng bawat mamamayan ay malalasap
isang lipunang pagkakapantay ang lalaganap

- gregoriovbituinjr.
01.01.2025

Martes, Disyembre 31, 2024

Lumang Taon, Lumang Sistema

LUMANG TAON, LUMANG SISTEMA

patuloy pa rin ang kahirapan
kahit sa pagtatapos ng taon
dukha'y lublob pa rin sa putikan
may tinik sa paang nakabaon

lumang taon ay lumang sistema
dalita'y gumagapang sa lusak
sa Bagong Taon, ganyan pa rin ba?
na buhay ng dukha'y hinahamak

wala raw pribadong pag-aari
kaya pinagsasamantalahan
ng mga lintang kamuhi-muhi
na talagang sa pera gahaman

pakikibaka'y patuloy pa rin
upang lipunang nasa'y mabuo
kadena ng pagkaapi'y putlin
lipunang makatao'y itayo

- gregoriovbituinjr.
12.31.2024

Lunes, Disyembre 30, 2024

Katahimikan

KATAHIMIKAN

tahimik sa totoong kagubatan
bagamat hayop ay nagbabangayan
pagkat kapwa nila ay sinasagpang
upang maging agahan o hapunan

maingay lang pag puno'y pinuputol
o minimina ang bundok at burol
pulitiko pa yaong nanunulsol
habang mamamayan ay tumututol

kaiba sa kagubatan ng lungsod
trapo ang sa bayan ay naglilingkod
dinastiya pa silang nalulugod
lalo't salapi'y ipinamumudmod

sa silid-aralan dapat tahimik
nang itinuro sa diwa'y tumitik
sa pabrika man ng metal at plastik
sa trabaho'y walang patumpik-tumpik

kahit sa lipunang kapitalista
tahimik silang nagmamanipula
nag-iingay naman ang aktibista
upang isyu'y mapabatid sa masa

sabi, sa tenga ang katahimikan
walang ingay kaya katahimikan
subalit iba ang kapanatagan
pag payapa ang puso't kaisipan

- gregoriovbituinjr.
12.30.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa ZOTO Day Care Center sa Navotas

Linggo, Disyembre 29, 2024

Mansanas

MANSANAS

noong bata pa kami, si Ama'y may mansanas na bitbit
isang mansanas subalit hahatiin ng malililiit
para sa aming magkakapatid, sa akin ay malinggit
sa likod ng simbahan ng Bustillos, may Manzanas street

hanggang aking napagnilayang isang tula ang mabigkas
pagkat sa diwa ko't saloobin, ito ang inaatas
sa ganitong gawain, naging masikap ako't magilas
taludtod at saknong, tugma't sukat ang agad mamamalas

hanggang mahalukay sa diwa'y kasaysayan ng mansanas
kinain ni Adan ang mansanas na binigay ng ahas
kay Eva, sa ulo ni Newton may bumagsak na mansanas
ang kumpanya ni Steve Jobs, logo'y may kagat na mansanas

ngayon, sa aming mesita, may dalawa kaming mansanas
tatlo kami sa bahay, paano ko hahatiing patas
dalawang katlo o two-third, sa aritmetika'y lumabas
buti't sa pagkakahati nito, binahagi'y parehas

- gregoriovbituinjr.
12.29.2024

Biskwit na tipi

BISKWIT NA TIPI

nang minsang sa Balayan umuwi
sa lalawigan ng aking ama
sa bayan ay bumili ng tipi
na biskwit na hilig ko noon pa

wala kasing tipi sa Maynila
na kung meron, akin nang binili
pag nakita'y gagastusang sadya
pagkat diyan ako nawiwili

nang minsang aking ina'y dalawin
nagmano ako't kami'y nag-usap
tipi'y di ko nalimutang bilhin
nang umalis sa lupang pangarap

nagninilay ay lalantakan ko
ang tiping kaysarap na totoo
habang hinahabi'y tula't kwento
at may ilang binabasang libro

- gregoriovbituinjr.
12.29.2024

Lolo, todas sa Sinturon ni Hudas

LOLO, TODAS SA SINTURON NI HUDAS

nang dahil sa Sinturon ni Hudas
na tila ba nawala sa landas
buhay ng isang lolo'y nautas
limang araw pa bago natodas

sino bang sa paputok gumastos
mababayaran ba niyang lubos
yaong nangyaring kalunos-lunos
sa lolong pitumpu't walong anyos

nagbenta ng paputok na iyan
sa buhay mo'y walang pakialam
di ka sagutin ng mga iyan
pag nagtungo ka sa pagamutan

taospuso pong pakikiramay
sa pamilya ng lolong namatay
hibik ko sa kabila ng lumbay:
paputok ay iwasan pong tunay

- gregoriovbituinjr.
12.29.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 29 Disyembre 2024, pahina 1 at 2

Larong Unblock

LARONG UNBLOCK

puzzle - six by six na parisukat
ay ilabas mo ang isang tipak
na kulay pula sa ilang tira
pag napalabas mo'y tagumpay ka

nakakatuwa ang larong yaon
pagkat isipan mo'y hinahamon
app game na Unblock sa iyong selpon
pag nagpahinga'y laro ko iyon

larong pampatalas ng isipan
pag-aanalisa't kaalaman
lohika'y ehersisyong mataman
sa ilang tira'y ilabas iyan

salamat naman sa larong Unblock
lalo na't nailabas ang tipak
pag nagtagumpay, ramdam mo'y galak
pagkat naglaro kang di nalubak

- gregoriovbituinjr.
12.29.2024

Idiskwalipika ang mga dinastiyang pulitikal

IDISKWALIPIKA ANG MGA DINASTIYANG PULITIKAL

kapag pulitikal na dinastiya
ang ibinoboto pa rin ng masa
hinahalal ba'y mapagsamantala
nariyan pa ba'y bulok na sistema

upang manalo pa sa pulitika
namumudmod ng pera sa kampanya
upang mabili ang boto ng masa
limang daang piso, bigas, ayuda

dinastiya pag ama ay senador
habang ina naman ay gobernador
ang anak nila sa bayan ay meyor

habang kongresista naman ang lolo
lider pa ng SK ang kanyang apo
at kapitan ng barangay ang tiyo

sigaw ng masa: idiskwalipika
iyang pulitikal na dinastiya
pawang galing sa iisang pamilya
yaong naghahari sa pulitika

matapos ang eleksyon, wala ka na
nalulong na sa bulok na sistema
sa susunod na halalan, huwag na
huwag iboto iyang dinastiya

- gregoriovbituinjr.
12.29.2024

* litratong kuha ng makatang gala

Sabado, Disyembre 28, 2024

Dalawang 13-anyos na Nene

DALAWANG 13-ANYOS NA NENE

dalawang Nene na parehong trese anyos
ay biktima sa magkahiwalay na ulat
isa'y nadale ng 5-star sa daliri
isa'y ginahasa matapos mangaroling

nagkataon lang trese anyos ang dalawa
edad nga ba ng kainosentehan nila?
sinapit nila'y kalunos-lunos talaga
magba-Bagong Taon silang di nagsasaya

wala sa edad iyan? baka nagkataon?
pagtingin ko ba'y isa lang ispekulasyon?
"Kaiingat kayo!" ang siyang bilin noon
ng bayaning halos kinalimutan ngayon

tunay na kaylungkot ng Bagong Taon nila
isa'y naputukan, isa'y nagahasa pa

- gregoriovbituinjr.
12.28.2024

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 28 Disyembre 2024, pahina 8 at 9

Ginahasa matapos mangaroling

GINAHASA MATAPOS MANGAROLING

sadyang kalunos-lunos ang sinapit
ng isang trese anyos na babae
ginahasa matapos mangaroling 
bisperas ng pasko iyon nangyari 

ulat itong makadurog-damdamin
tila puso'y pinipisak talaga
kung siya'y anak ko, ako'y gaganti
sa mga taong nanghalay sa kanya

sabi'y ihahatid siya sa bahay
ng dalawang suspek na tagaroon
subalit sa baywalk siya'y hinalay
talagang halimaw ang mga iyon

at sa pagsusuri ay positibo
ngang hinalay ang nasabing babae
hustisya'y dapat kamtin nang totoo
at dalawang suspek ay masakote

- gregoriovbituinjr.
12.28.2024

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, 28 Disyembre 2024, headline at p.2

Relatibo

RELATIBO

sa mga kamag-anak ko't katoto
kapisan, kumpare, kaugnayan ko
pulitikal at personal ba'y ano?
masasabi ba nating relatibo?

piho, sa akin ay magandang aral
lalo't ang personal ko'y pulitikal
isa itong prinsipyong unibersal
kaya sa aktibismo'y tumatagal

pinipilit ugnayan ay mabuo
at prinsipyong tangan ay di maglaho
suliranin ma'y nakapanlulumo
ay tutupdin anong ipinangako

pakikibaka'y isinasabuhay
maraming bagay ang magkakaugnay
mga sagupaan ma'y makukulay
madalas ay talaga kang aaray

- gregoriovbituinjr.
12.28.2024

Biyernes, Disyembre 27, 2024

Ingat sa paputok

INGAT SA PAPUTOK

kung maaari lang, huwag nang magpaputok
ng labintador o anumang umuusok
pag naputukan ka'y tiyak kang malulugmok
kalagayang iyan ba'y iyong naaarok?

kailan ba maling kultura'y mapaparam?
lalo't naputukan na'y animnapu't siyam
pag naputukan ka'y tiyak ipagdaramdam
sana'y walang maputukan ang aking asam

ayaw mo mang magpaputok ngunit ang iba
ay nagpapaputok, baka matamaan ka
nananahimik man ay nagiging biktima
buti pa'y walang magpaputok sa kalsada

kaysa magpaputok, tayo lang ay mag-ingay,
pag nag-Bagong Taon na, sa labas ng bahay
upang Lumang Taon ay mapalitang tunay
kaysa naman masugatan kayo sa kamay

iwasan nang magpaputok sa Bagong Taon
huwag nang mag-ambag sa mga itatapon
ang kalusugan ng kapwa'y isipin ngayon
pati na klima at nagbabagong panahon

- gregoriovbituinjr.
12.27.2024

* tula batay sa ulat sa pahayagang Bulgar, 27 Disyembre 2024, pahina 1-2

Huwebes, Disyembre 26, 2024

O, dilag kong minumutya

O, DILAG KONG MINUMUTYA

O, dilag ko't tanging minumutya
akong sa labana'y laging handa
daanan man ng maraming sigwa
buhay ko'y iaalay kong sadya

ganyan daw kasi ang umiibig
habang iwing puso'y pumipintig
kahit pumiyok ang abang tinig
di patitinag, di palulupig

magsasama hanggang kamatayan
anumang pinasukang larangan
sa labanan at kapayapaan
sa lansangan man at sa tahanan

suliranin man ay di mawari
magtutulungan, magpupunyagi
upang tupdin at maipagwagi
ang pangarap nati't minimithi

- gregoriovbituinjr.
12.26.2024

Miyerkules, Disyembre 25, 2024

Pambatang aklat, kayliliit ng sulat

PAMBATANG AKLAT, KAYLILIIT NG SULAT

Nakabili ako ng aklat na pambata dahil sa pamagat na "Children's Atlas: The ideal Atlas for school or home", subalit napakaliliit ng sulat, na mas maliit pa sa sulat ng nalalathalang dyaryong tabloid. Pambata ba talaga ito? Subalit iyon ang sabi sa titulo ng aklat.

Ang font sa loob ng aklat ay nasa Times New Roman 8, o kaya'y 7. Napakaliit, di ba? Ang ginagamit ko nga sa pahayagang Taliba ng Maralita ay Arial 11, Calibri 11 o Times New Roman 12, subalit naliliitan pa rin sila. Nais nilang font ay 16 upang mas mabasa raw ng malalabo ang mata.

Subalit nangangailangan pa ako ng magnifying lens kung nais ko talagang basahin ang Children's Atlas. Nabili ko ito kamakailan lang sa Book Sale ng Farmers' Plaza, sa halagang P65.00, may sukat na 5.5" x 7.5", at binubuo ng 64 pahina. Inilathala ito ng Paragon Books ng UK noong 2001.

Maganda sanang pangregalo ang Children's Atlas sa mga pamangkin at inaanak na nasa edad 7-10. Subalit dahil sa liit ng sulat nito ay nag-alangan na rin kami ni misis na ipangregalo ito at baka hindi nila basahin.

Kung Children's Atlas ito, bakit kayliliit ng font? Parang hindi talaga pambata ang pambatang aklat na ito.

isang pambatang aklat
nang agad kong binuklat
kayliliit ng sulat

ako sana'y nagalak
librong pamaskong tiyak
sa mga inaanak

Children's Atlas na ito'y
talagang detalyado
tunay kang matututo

dapat lang matyaga ka
sa iyong pagbabasa
ng kayliit na letra

at ako'y napanganga
napaisip talaga
kung babasahin nga ba

nitong mga bulinggit
ang librong kaylilinggit
ng letra kahit pilit

pambata ngunit hindi
pag di binasa'y lugi
karunungan ma'y mithi

- gregoriovbituinjr.
12.25.2024

Nabuhat nila'y 25 medalya

NABUHAT NILA'Y 25 MEDALYA

sa Doha, mga Pinoy weightlifter ay nagpakitang gilas
sa kumpetisyong nilahukan, husay nila'y pinamalas
dalawampu't limang medalya'y binuhat ng malalakas
na mga atletang tila nagmana kay Hidilyn Diaz

Congratulations sa mga Pinoy weightlifter na binitbit
ang bandila ng bansa at maraming medalyang nakamit
limang ginto, sampung pilak at sampung tanso ang nasungkit
sa paligsahang pagbuhat, pinakita nila'y kaylupit

sa youth division, nasa pangatlong pwesto ang ating bansa
habang sa junior division, panglimang pwesto tayong sadya
ang isports sa Pilipinas ay sadyang binibigyang sigla
ng bagong henerasyon ng atletang di basta magiba

sa mga Pinoy weightlifter sa Qatar, mabuhay! Mabuhay!
muli, congrats sa inyo! isang taospusong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
12.25.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 24, 2024, p.12

Sampung piso na ang kamatis

SAMPUNG PISO NA ANG KAMATIS

ang isang balot na kamatis
tatlong laman ay trenta pesos
pagsirit ng presyo'y kaybilis
buti't mayroon pang panggastos

imbes pangsahog na'y inulam
isang kamatis sa umaga
kamahalan ay di maparam
kailan muli magmumura

habang iba'y itinatapon
lang ito't labis na naani
ngunit sa lungsod ay di gayon
dapat mo itong binibili

mabuti pa'y magtanim nito
kahit sa bakuran o paso
may mapipitas kang totoo
pag kamatis mo na'y lumago

- gregoriovbituinjr.
12.25.2024

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA

buong puso ang pagbati ko't umaasa
na mababago pa ang bulok na sistema
Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa
kaya patuloy pa rin tayong makibaka

panahon ngayon ng pagsasaya sa mundo
dahil sa kaarawan ng kanilang Kristo
malagim man ang sitwasyon ng Palestino
may kontraktwalisasyong salot sa obrero

nariyan din ang dinastiyang pulitikal
na namumudmod ng ayudang nakakamal
presyo ng pangunahing bilihi'y kaymahal
ang pagtaas ng sahod ay sadyang kaybagal

di pala para sa ISF ang 4PH
kulang din ang badyet ng Philhealth at D.O.H.
sa trilyong utang ng bansa, masasabing each
Pinoy na'y may utang, VP pa'y mai-impeach

dahil rin sa klima, tao'y nahihirapan
badyet sa serbisyo publiko'y nabawasan
saan na napupunta ang badyet na iyan?
gagamitin ba sa susunod na halalan?

muli, Merry Christmas, pagbating taospuso
Many Krisis ang Masa, saan patutungo?
baka Bagong Taon ay haraping madugo
krisis ba'y kailan tuluyang maglalaho?

- gregoriovbituinjr.

12.25.2024 

Martes, Disyembre 24, 2024

Ispageti padala

ISPAGETI PADALA

natanggap namin ngayo'y ispageti
mula sa isa naming kapitbahay
dagdag noche buena mamayang gabi
habang narito lang at nagninilay

at nang tikman ko, malasa talaga
sa sarap ako'y napapamulagat
at sa ispageti nilang padala
masasabi ko'y maraming salamat

kami'y nagbahagi kahit munti man
tulad ng mga nagdaang panahon
minsan magkakapitbahay ay ganyan
nagbibigayan lalo't may okasyon

mayroon din namang mga kakanin
suman, kalamay, puto'y binahagi
pagbabahagina'y pagmamahal din
panahon ngayong puso'y nagwawagi

- gregporiovbituinjr.
12.24.2024

Ingat po upang di masunugan

INGAT PO UPANG DI MASUNUGAN

kaytinding ulat sa pahayagan
nasunugan ang tatlong barangay
christmas lights umano ang dahilan
at magkakadikit pa ang bahay

na mabilis nilamon ng apoy
bahay ay nawala sa sang-iglap
dama mo'y para ka nang palaboy
naabo pati mga pangarap

ang mga bumbero sa probinsya
ay rumesponde naman umano
ang apektado'y daang pamilya
na sa ebakwasyon magpapasko

sadyang kayhirap pag nagkasunog
kaya lagi po tayong mag-ingat
pagkat sa puso'y nakadudurog
maging alerto't huwag malingat

- gregoriovbituinjr.
12.24.2024

* mula sa ulat sa pahayagang Bulgar na may pamagat na: "3 Barangay Nilamon ng Apoy", Disyembre 24, 2024, p.1-2

Nakahiligan

NAKAHILIGAN

nakahiligan ko nang magbasa
ng samutsaring paksang anuman
lalo na't ako'y nagpapahinga
babasahi'y libro't pahayagan

pinaglalaanan ng panahon
ang pagbubuklat ng mga aklat
upang sa isipan ko'y ibaon
ang nadalumat at maisulat

sa library at bookstore ay tambay
iba ang pakiramdam na libro
ang katabi palagi sa bahay
nais ko'y magbasa ang trabaho

sa libro'y iba't ibang karakter
ang doon nakakasalamuha
bayani, kontrabida, marderer
manunudla, manunula, bata

mahalaga'y nagbabasang saglit
sa kabila ng maraming rali
hilig kong bagamat alumpihit
nakakapagbasa kahit busy

- gregoriovbituinjr.
12.24.2024

Ginupitan ako ni misis

GINUPITAN AKO NI MISIS

nang minsang mapadaan sa salon
ng kapitbahay kami ni misis
ginupitan niya ako roon
habang abala sa paglilinis

ng kuko ang kanyang kaibigang
manggugupit at manikurista
si misis pala'y marunong naman
animo'y taga-salon din siya

di lang pala siya social worker
sa paggugupit din ay magaling
kaya nakakainlab na partner
sa buhay, sa bahay, sa paghimbing

dapat daw ay bagong gupit ako
sa noche buena mamayang gabi
salamat sa gupit ng buhok ko
ang sa kanya'y tangi kong nasabi

- gregoriovbituinjr.
12.24.2024

Lunes, Disyembre 23, 2024

Tirang pagkain, panlaban daw sa gutom

TIRANG PAGKAIN, PANLABAN DAW SA GUTOM

di pagpag, kundi tirang pagkain
na sumobra sa mga restoran
di nabenta sa mga fast food chain
ay panlaban daw sa kagutuman

kung isipin, magandang ideya
ng isang ahensya ng gobyerno
subalit paano ang sistema
sa ilalim ng kapitalismo

na yaong natira'y tinatapon
pag di nabenta, kahit malugi
kaysa ibigay ang mga iyon
sa dukhang sa gutom ay sakbibi

pipila pa ba ang mga dukha
upang abangan ang di nabili
pakakainin ba ang kawawa
ng pulitikong nais magsilbi

baka ideya'y papogi points lang
o baka wala kasing maisip
silang kongkretong pamamaraan
upang nagugutom ay masagip

- gregoriovbituinjr.
12.23.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 23 Disyembre, 2024, headline at p.2

Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ilan pang isyu ng Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ang hindi pa nagawa. Subalit tinatapos ko pa rin. Kahit paunti-unti. Lalo na't apatnapu't siyam na araw akong nagbantay kay misis sa ospital.

Subalit bakit dapat gawin pa rin iyon? Una, dahil sa pagtatala ng kasaysayan ng mga mahahalagang pangyayari't pagkilos na nilahukan ng KPML. Ikalawa, dahil nalalathala dito ang mahahalagang isyu ng pabahay at kahirapan, at pagsusuri sa isyu ng maralita. Ikatlo, upang may mabasa ang mga maralitang kasapi ng KPML, at maitago nila iyon bilang testamento ng kasaysayan at pakikibaka ng mga maralita. Ikaapat, dahil nalalathala rito ang panitikang maaaring iambag sa panitikang Pilipino, tulad ng mga tula at maikling kwento.

Nitong Nobyembre lang ay kumontak sa akin ang mga estudyante ng isang pamantasan sa Batangas, at ginawa nilang thesis ang tatlo kong maikling kwentong may kaugnayan sa State of the Nation Address (SONA). Ito ang mga kwentong "SONA na naman, sana naman..." (Taliba isyu, Hulyo 16-31, 2023, pahina 18-19), "Budul-Budol sa Maralita" (Taliba Pre-SONA isyu, Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19), at "Bigong-Bigo ang Masa" (Taliba Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19). Napakalaking karangalang makapanayam ako ng mga estudyanteng iyon. Ibinalita naman nila sa akin na nakapasa sila sa kanilang thesis.

Mula Setyembre hanggang ngayong Disyembre na siyang backlog ng Taliba, ito ang pinagkukunutan ko ng noo. Bukod sa mga balita ay pinag-iisipan ko kung paano ko isusulat sa maikling kwento ang mga tampok na isyu ng panahong iyon. Paghahanda ko rin bilang kwentista ang pagsusulat ng mga kwento upang balang araw ay makapagsulat ng nobela, at maisaaklat iyon, na siya kong pangarap - maging ganap na nobelista.

Dalawang beses isang buwan lumalabas ang Taliba ng Maralita. Ibig sabihin, dalawampu't apat na isyu sa isang taon. Kaya kung may apat na buwan pang backlog, may walong isyu ang dapat kong tapusin. Isasama ko ang mga kuha kong litrato sa rali, pati pahayag ng mga kapatid na organisasyon, upang hindi naman ako matulala sa dami ng trabaho. Ang pagsusulat ang tungkulin ko sa organisasyon, pagsusulat ng pahayag, at ang pagkatha ng maikling kwento at tula ang kinagigiliwan kong gawin. Subalit mga kwento at tula sa pagsusulong ng pakikibaka ng mga maralita laban sa pang-aapi't pagsasamantala ng sistemang bulok, tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao at sa kalikasan.

Pinagnilayan ko't sinulat sa tula ang mithiing ito para sa tuloy-tuloy na paglalabas ng publikasyong Taliba:

adhika ko pa ring gawin ang mga isyu
ng pahayagang Taliba ng Maralita
sulatin ang balita, kumatha ng kwento
at tula, at magsuri ng isyu ng dukha

pakikibaka ng dukha'y pag-iisipan
at ilathala ano bang kanilang layon
sapagkat bawat laban ay may kasaysayan
na dapat matala sa aming publikasyon

kolum ni Pangulong Kokoy Gan ay patnubay
sa pakikibaka ng kapwa mahihirap
habang litrato ng pagkilos ay patunay
ng adhika ng dukha't kanilang pangarap

na isang lipunang wala nang pang-aapi
at pagsasamantala, ang sila'y mahango
sa hirap, kaya tuloy ang pagbaka't rali
laban sa mga kuhila't laksang hunyango

12.23.2024

Linggo, Disyembre 22, 2024

Kaysarap ng tulog ni alaga

KAYSARAP NG TULOG NI ALAGA

nakita niya ang munting kahon
at iyon ang kanyang tinulugan
marahil nga'y napagod maghapon
hinigaa'y pinagpahingahan

simpleng buhay lamang si alaga
na sa bahay na naninirahan
simpleng buhay din akong makata
na abala lagi sa tugmaan

madalas, matapos kong kumain
ngingiyaw siya't mangangalabit
bibigyan siya ng makakain
pag busog na'y di na humihirit

kay alaga, maraming salamat
mga daga'y nagpulasang lahat

- gregoriovbituinjr.
12.22.2024